Inilatag ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) CALABARZON ang mga kinakailangang hakbang bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa rehiyon, kasunod ng babala ng DOST-PAGASA hinggil sa mataas na posibilidad ng pagbuo nito sa mga susunod na buwan.

Binigyang-diin ng Office of Civil Defense (OCD) CALABARZON ang kahalagahan ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno upang matiyak ang maagap at epektibong pagtugon sa mga hamong dulot ng naturang weather phenomenon.

Ayon sa DOST-PAGASA, may 79 porsiyentong posibilidad na mabuo ang El Niño mula Hunyo hanggang Agosto 2026, at inaasahang maaaring tumagal hanggang sa unang bahagi ng 2027.

Sa pinakahuling climate advisory ng ahensya, itinaas na nito ang antas ng pagbabantay sa El Niño Alert matapos lumampas sa 70 porsiyento ang tsansa ng pagbuo nito.

Ipinaliwanag ng PAGASA na ang El Niño ay karaniwang nagdudulot ng mas mababang antas ng pag-ulan, na maaaring humantong sa dry spell, tagtuyot, at kakulangan sa suplay ng tubig, partikular sa mga lugar na lubhang nakadepende sa agrikultura at mga watershed.

Dahil dito, inatasan ang mga local disaster councils sa CALABARZON na paigtingin ang mga contingency measures, kabilang ang pagtitiyak sa sapat na suplay ng tubig, paghahanda sa sektor ng agrikultura, at pagpapatibay ng mga information campaign upang maihanda ang publiko sa posibleng epekto ng matinding init at kakulangan ng ulan.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang RDRRMC CALABARZON sa mga kaukulang ahensya upang mabawasan ang magiging epekto ng El Niño sa kabuhayan, kalusugan, at kaligtasan ng mga residente sa rehiyon.

Source: PIA Calabarzon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved