Isa na namang karangalan ang natanggap ng Lalawigan ng Quezon matapos kilalanin si Governor Angelina “Doktora Helen” D.L. Tan bilang Outstanding Governor of the Philippines (1st–3rd Class Category for Luzon Island) sa ginanap na Gawad Parangal Awarding Ceremony ngayong Abril 28, 2026 sa KCC Mall Convention Center sa Zamboanga City.
Ang naturang pagkilala ay bahagi ng 29th National Social Welfare and Development Forum and General Assembly ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines, Inc., na may temang “LSWDO’s Build Together for Empowered Individuals, Families, and Communities Embracing Global Humanitarian Strategies through Ethical Standards of Social Work Practices.”
Binigyang-diin ng ALSWDOPI ang mga programang inilunsad sa ilalim ng HEALING Agenda, na naglalayong mapalawak ang de-kalidad na serbisyo sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, kabuhayan, imprastraktura, kalikasan, turismo, at mabuting pamamahala.
Kabilang sa mga kinilalang inisyatibo ang STAN Kalinga ng Kapitolyo para sa Quezonians Program, na nagbibigay ng agarang tulong at nararapat na serbisyo sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga third-party service providers.
Malaki rin ang naging ambag ng mga programang pangkabuhayan tulad ng mga Livelihood Programs, Kalinga sa Mamamayan Libreng Gamutan Medical Mission, at educational assistance sa ilalim ng Scholarship Code of the Province of Quezon, na patuloy na nakatutulong sa mga mag-aaral at pamilyang Quezonian.
Sa pangunguna ng Office of the Provincial Social Welfare and Development Officer, mas pinaigting din ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng kabataan, kababaihan, persons with disabilities, senior citizens, solo parents, former rebels, at iba pang sektor na higit na nangangailangan ng suporta.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, ang nasabing parangal ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon ni Doktora Helen na maihatid ang “serbisyong tunay at natural” sa bawat sulok ng Quezon.
Asahan naman na lalo pang palalawakin ng pamahalaang panlalawigan ang mga social welfare and development programs upang higit pang matulungan ang mga Quezonian, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Photos courtesy of Doktora Helen Tan
