Isang maringal na banal na misa at prusisyon ang isinagawa sa Lucena City nitong Biyernes, Mayo 29, bilang pagpupugay at pagbibigay parangal sa patron ng lungsod na si Saint Ferdinand III of Castile o mas kilala bilang San Fernando, Hari ng Castile at Leon.

Pinangunahan ng Parokya ng Katedral katuwang ang Roman Catholic Diocese of Lucena ang nasabing pagdiriwang sa pamumuno ni Bishop Mel Rey Uy, kasama ang mga kaparian, hermanos at hermanas, gayundin ang daan-daang deboto at mananampalataya mula sa loob at labas ng lungsod.

Matapos ang banal na misa, isinagawa ang prusisyon kung saan binagtas ng imahe ng santo patron ang pangunahing lansangan ng lungsod kabilang ang Quezon Avenue, Perez Park, Merchan Street at Hermana Fausta. Naging maayos at mataimtim ang paglahok ng mga deboto na nagbigay-pugay sa patron na matagal nang simbolo ng pananampalataya at pagkakaisa ng mga Lucenahin.

Nakibahagi rin sa matagumpay na pagdaraos ng aktibidad ang Lucena Culture and the Arts Council sa pangunguna ni Luzviminda Calzado bilang chairperson, katuwang ang mga department heads at kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Lucena.

Ang taunang selebrasyon ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-145 pista ni San Fernando, isang makasaysayang tradisyon na patuloy na nagpapakita ng matibay na pananampalataya, kultura, at pagkakaisa ng mamamayan ng Lucena. ( PIO-Lucena)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved