Pinatawag ni Tayabas City Mayor Piwa Lim ang pamunuan ng PrimeWater at Quezon Metropolitan Water District (QMWD) upang muling talakayin ang mga posibleng solusyon sa patuloy at lumalalang problema sa distribusyon ng tubig na nararanasan ng maraming residente sa lungsod.
Ayon sa alkalde, mahalagang marinig mismo mula sa mga opisyal ng PrimeWater-QMWD ang kanilang kongkretong plano at katiyakan sa paglutas ng suliranin upang makapaglatag din ang lokal na pamahalaan ng mga angkop na hakbang para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Sa mga nakalipas na buwan, dumarami ang mga reklamo ng mga residente hinggil sa madalas na pagkawala ng tubig, mahinang daloy, at hindi sapat na suplay sa ilang barangay. Dahil dito, naging pangunahing usapin sa lungsod ang paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa problema.
Sinabi ni Mayor Lim na kasalukuyang pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ang ilang opsyon na maaaring ipatupad sa lalong madaling panahon upang makatulong sa mga apektadong konsyumer.
Gayunman, binigyang-diin niya na kinakailangang masusing suriin ang bawat hakbang upang matiyak na naaayon ito sa umiiral na mga batas at regulasyon na sumasaklaw sa operasyon ng mga local water district.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na ang pakikipagpulong sa pamunuan ng PrimeWater-QMWD ay magbibigay ng malinaw na direksyon at agarang tugon sa matagal nang problemang kinahaharap ng mga residente ng Tayabas.
Samantala, nananatiling umaasa ang mga mamamayan na magkakaroon ng mabilis at epektibong aksyon upang maibsan ang kanilang araw-araw na suliranin sa suplay ng malinis at sapat na tubig. ( Source: Tayabas City CICRO)
