Nanawagan sina Governor Doktora Helen Tan at alkalde ng Alabat at Perez sa nasyonal na pamahalaan na mailabas ang nakalaang P100 milyong pondo para sa konstruksyon ng bagong Quezon Provincial Hospital Network (QPHN)-Alabat na nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA) 2026 ngunit hindi pa naipapalabas para sa implementasyon.
Sa isinagawang pagbisita sa QPHN-Alabat, ipinakita ni Governor Tan ang kasalukuyang kalagayan ng ospital na pansamantalang inilagay sa isang evacuation center matapos gibain ang mahigit 28 taong gulang na lumang gusali ng ospital upang bigyang-daan ang pagtatayo ng bagong pasilidad.
Ayon sa gobernador, tatlong taon nang ginagamit bilang pansamantalang ospital ang evacuation center na nagsisilbi sa mga residente ng Alabat, Perez, at bahagi ng Quezon sa tinaguriang AlQueRez Island. Sa kasalukuyan ay may 40-bed capacity ang pasilidad ngunit nananatiling kulang para sa pangangailangan ng mga pasyente.
Bagama’t inaprubahan ng Department of Health ang paggamit sa evacuation center bilang temporary hospital, aminado ang gobernador na hindi ito angkop para sa pangmatagalang operasyon ng isang ospital.
Ipinakita rin ng gobernador ang itinatayong bagong gusali ng QPHN-Alabat na pinondohan sa mga nakaraang taon sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health, at iba pang ahensya. Nakataas na hanggang ikatlong palapag ang istruktura at mayroon nang mga pangunahing partition, ngunit nangangailangan pa ng karagdagang pondo upang maging ganap na operasyonal.
“Kung ma-release lamang ang P100 million ngayong 2026, matatapos namin ang isang bahagi ng hospital at magagawa itong functional. Nandoon ang emergency room, laboratory, pharmacy, diagnostic services at iba pang pangunahing pasilidad,” ani Tan.
Ayon sa gobernador, nakatanggap na sila ng impormasyon na may nakalaang pondo para sa proyekto at mayroon nang Special Allotment Release Order (SARO), ngunit hinihintay pa ang paglalabas ng kaukulang Special Allotment Advice (SAA) upang masimulan ang implementasyon.
Kasamang nanawagan sina Alabat Mayor Ays Canimo at Perez Mayor Cha Escalona na kapwa humiling ng agarang pagproseso ng pondo.
“Dalawa hanggang tatlong taon na po kaming naghihintay. Sana po ay mapabilis na ang release ng pondo upang makalipat na ang ospital at mas mabigyan ng kalidad na serbisyong pangkalusugan ang mga mamamayan ng isla,” pahayag ni Escalona.
Binigyang-diin naman ni Mayor Canimo na matagal nang hinihintay ng mga residente ang pagkumpleto ng bagong ospital na magsisilbi sa libu-libong mamamayan ng AlQueRez Islands.
Ayon pa kay Governor Tan na kung patuloy na maaantala ang paglalabas ng pondo, pag-aaralan ng Pamahalaang Panlalawigan ang paggamit ng sariling pondo upang maituloy ang proyekto, kahit pa kasalukuyan ding pinopondohan ng lalawigan ang pagsasaayos ng Quezon Medical Center at iba pang 14 na pampublikong ospital sa Quezon.
Kabilang ang QPHN-Alabat sa apat na ospital sa lalawigan na may nakalaang suporta mula sa DPWH para sa pagpapalawak at pagpapabuti ng mga pasilidad.
Ayon sa gobernador, mahalagang matapos ang proyekto upang mapabuti ang kalagayan ng mga pasyente at mapalawak ang mga serbisyong medikal sa isla.
