Isang mahalagang hakbang tungo sa mas mahusay na pagpaplano at paggamit ng pondo para sa kalusugan sa Lalawigan ng Quezon ang isinagawa matapos personal na iharap sa tanggapan ni Governor Doktora Helen Tan ang Health Convergence Budgeting (HCB) Workbook, isang makabagong planning and budgeting tool na inaasahang magpapalakas sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Act at magtitiyak ng mas episyente at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa mga Quezonian.

Matapos ang dalawang araw na Health Convergence Budgeting Simulation and Co-Design Workshop, na inisyatiba ng Unilab Foundation at ng Ateneo School of Government (ASoG), nagsagawa ng courtesy visit sa gobernador ang mga kinatawan ng dalawang institusyon sa pangunguna ni Dr. Maria Eufemia Yap noong Hulyo 15, 2026.

Sa naturang pagpupulong, ipinrisenta kay Governor Tan ang mga naging resulta ng workshop, kabilang ang HCB Workbook na binuo upang magsilbing gabay ng mga lokal na pamahalaan sa mas maayos na pagpaplano, pagpapatupad, at pagsubaybay ng kanilang health budget.

Inaasahang magiging malaking tulong ang naturang workbook sa pagpapalakas ng local health system sa pamamagitan ng mas epektibong paggamit ng mga pondong nakalaan para sa sektor ng kalusugan, pagpapahusay ng koordinasyon sa health planning at budgeting, at pagtiyak na ang mga programa at serbisyong pangkalusugan ay nakaayon sa mga layunin ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Act.

Ayon sa mga katuwang na institusyon, ang Health Convergence Budgeting ay naglalayong pag-isahin ang pagpaplano at pagba-budget ng iba’t ibang lokal na health stakeholders upang maging mas episyente ang paggamit ng pondo at mas mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng bawat komunidad.

Lubos namang pinasalamatan ni Governor Tan ang Unilab Foundation at Ateneo School of Government sa kanilang inisyatiba.

Ayon sa gobernador, malaking ambag ang HCB Workbook upang matiyak ang mahusay at epektibong pagpapatupad ng Special Health Fund (SHF) sa lalawigan, na magsisilbing daan sa patuloy na paghahatid ng de-kalidad, episyente, at mas abot-kayang mga programa at serbisyong pangkalusugan para sa bawat Quezonian.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved