Isang makasaysayang hakbang tungo sa mas inklusibo at accessible na komunidad ang isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Infanta sa kauna-unahang Infanta Disability Expo 2026, na ginanap noong Hulyo 15 – 16 sa Northern Quezon Auditorium sa Brgy. Comon, Infanta, Quezon.

Sa temang “Promoting Inclusion, Accessibility, and Equal Opportunities for All,” pinagsama-sama ng dalawang araw na programa ang mga libreng serbisyong pangkalusugan, impormasyon, inspirasyon, at mga programang naglalayong itaguyod ang karapatan at kapakanan ng mga Persons with Disabilities (PWDs), bilang panibagong hakbang ng lokal na pamahalaan tungo sa isang mas inklusibo, mapagmalasakit, at pantay na komunidad para sa lahat.

Mayor Lord Arnel L. Ruanto officially opens the historic 1st Infanta Disability Expo 2026

Pinangunahan ang programa nina Mayor L.A. Ruanto, Persons with Disability Affairs Officer Liezl Pilotin, at Gerry Nuyda, Federation President ng Persons with Disabilities (PWD).

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang kauna-unahang Disability Expo ay sumasalamin sa patuloy na pagsusulong ng mga programang nagbibigay ng pantay na oportunidad at dekalidad na serbisyo sa sektor ng mga PWD.

Sa ilalim ng programang Lingap Agad, isinakatuparan ang expo sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, pribadong sektor, stakeholders, at mga volunteer upang ilapit sa mga Persons with Disabilities ang mahahalagang serbisyo at oportunidad.

Sa unang araw ng expo, isinagawa ang isang medical mission kung saan nakatanggap ng libreng serbisyong medikal ang mga PWD. Sa pagtutulungan ng Municipal Health Office (MHO), Jara Hearing Center, MediWalk Prosthetic and Orthotic Corporation, at iba pang katuwang na organisasyon, naihatid ang medical consultation, basic health screening, dental services, hearing assessment at hearing tests, gayundin ang pamamahagi ng mga wheelchair at iba pang assistive devices sa mga nangangailangan.

Bukod sa mga serbisyong pangkalusugan, tampok din sa expo ang mga service exhibits mula sa iba’t ibang ahensya at institusyon na nagbigay ng impormasyon, konsultasyon, referral services, assistive technology, at mga programang may kaugnayan sa rehabilitasyon, edukasyon, kabuhayan, at social protection para sa sektor ng mga PWD.

Sa ikalawang araw ng programa, isinagawa ang Disability Rights Forum, kung saan ibinahagi ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ang mga batas, benepisyo, at serbisyong maaaring mapakinabangan ng mga Persons with Disabilities.

Kabilang sa mga resource speaker sina Sangguniang Bayan Secretary Jinky Joy L. Dela Cruz-Paril, DepEd Principal III Dennes R. Lagrimas, Philip Leee J. Oliveros ng Department of Trade and Industry (DTI), Atty. Rommel Olivar Morfe at Atty. Joanna Gracia Sarah C. Barcena ng Public Attorney’s Office (PAO), at Faye Katherine O. Calabia ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Naging makabuluhan rin ang forum sa pagbabahagi ng mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon. Nagbahagi si Armando Moises ng ADG Behavioral Center/ABA Psychological Services ng mahahalagang kaalaman hinggil sa tamang pag-unawa at pagsuporta sa mga Persons with Disabilities.

Ibinahagi naman ni Revlon F. Fadul, isang batang may autism, ang kanyang kuwento ng katatagan, determinasyon, at tagumpay, habang tinalakay ni Dale April T. Rutaquio ng REINA Federation of Parents Association Inc. ang mahalagang papel ng pamilya at komunidad sa pagtataguyod ng karapatan, kapakanan, at inklusyon ng mga PWD.

Sa pamamagitan ng mga talakayan at pagbabahagi ng mga karanasan, higit na napalalim ang kamalayan ng mga dumalo hinggil sa kahalagahan ng pagtanggap, tamang suporta, at sama-samang pagkilos sa pagbuo ng isang lipunang tunay na inklusibo. Kaakibat ito ng layunin ng Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disability, na nagsusulong ng pantay na karapatan, rehabilitasyon, at ganap na partisipasyon ng mga PWD sa lipunan.

 

Sa pagtatapos ng kauna-unahang Infanta Disability Expo 2026, muling iginiit ng Pamahalaang Bayan ng Infanta sa pamumuno ni Mayor L.A. Ruanto ang kanilang pangako na ipagpatuloy ang mga programang nagtataguyod ng isang mapagkalinga, accessible, at inklusibong komunidad, kung saan ang bawat Person with Disability ay may pantay na pagkakataong makatanggap ng dekalidad na serbisyo, mapaunlad ang kanilang kakayahan, at ganap na makilahok sa pag-unlad ng bayan. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved