Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Port of Lucena upgraded Passenger Terminal Building (PTB) Project sa Barangay Talao-Talao sa lungsod ng Lucena, Quezon nitong Martes, Hulyo 21.
Kasama ng Pangulo sina Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, Quezon Governor Angelina Helen Tan, Lucena City Mayor Mark Alcala at iba pang mga opisyal at kawani mula sa lokal na pamahalaan na umikot at ininspeksyon ang bagong pantalan na nagsisilbing Southern Luzon primary roll-on/roll-off gateway na nag-uugnay sa mainland ng Luzon patungong Marinduque at iba pang mga kalapit na lalawigan.
Ang PTB ay kumpleto sa mga makabagong kagamitan, fully air-conditioned waiting area na mayroong tinatayang 1,000 seating capacity, automated ticketing counters, modern comfort rooms, mas maayos na ventilation system at solar panels na makatutulong upang isulong ang isang energy-efficient at sustainable port operations.
Inaasahang makakatulong ang bagong pantalan upang mas mapalakas ang turismo, kalakalan, at lokal na ekonomiya ng mga rehiyong sakop nito gaya ng Calabarzon at Mimaropa gayundin sa kalakhang Luzon. (PIA CALABARZON)
