Isang 37-anyos na lalaki ang inaresto ng mga pulis matapos makumpiskahan ng baril at hinihinalang shabu sa isinagawang dictated checkpoint operation sa Barangay Sta. Rosa, Mulanay, Quezon, madaling araw ng Hulyo 18.
Ayon sa Mulanay Municipal Police Station, pinara ang suspek bandang alas-4:40 ng madaling araw dahil hindi ito nakasuot ng helmet habang minamaneho ang kanyang Yamaha NMAX motorcycle. Habang bumababa sa motorsiklo, nahulog umano mula sa kanyang baywang ang isang caliber .45 na baril. Nang maberipika, wala itong maipakitang legal na dokumento para sa naturang armas kaya agad siyang inaresto.
Sa isinagawang body frisk, nadiskubre rin sa coin purse ng suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 3.26 gramo, na may tinatayang standard drug price na ₱22,168 at street value na ₱66,504.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang isang magazine na may 12 bala ng caliber .45, ang motorsiklo ng suspek, at ang coin purse. Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga ebidensya sa lugar ng insidente sa harap ng mga itinakdang saksi at gamit ang Alternative Recording Devices.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Section 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek, na nananatiling nakapiit sa himpilan ng pulisya.
