Pormal nang binuksan nitong Agosto 25, ang kauna-unahang Human Milk Bank sa lalawigan ng Quezon sa Quezon Provincial Hospital Network–Quezon Medical Center (QPHN-QMC), isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng breastfeeding support at nutrisyon para sa mga sanggol.

Ang Human Milk Bank ay isang pasilidad na nagkokolekta, nagsa-screen, nagpo-proseso, nag-iimbak at namamahagi ng donated human milk para sa mga sanggol na nangangailangan nito, partikular ang mga premature, may karamdaman, o hindi makatatanggap ng sapat na gatas mula sa kanilang sariling ina.

Sa ngayon, ang pasilidad sa QPHN-QMC ay kinikilala bilang ika-43 human milk bank sa bansa at ika-4 sa CALABARZON, ayon sa impormasyong ibinahagi sa seremonya.

Bagama’t pormal lamang itong binuksan ngayong araw, nagsimula na noong 2024 ang milk hub sa QPHN-QMC kung saan maaaring mag-donate ng kanilang sobrang gatas ang mga breastfeeding mother.

Hangad ni Governor Doktora Helen Tan na higit pang mapalawak ang ganitong serbisyo sa lalawigan upang mas maraming sanggol ang makinabang sa ligtas at sapat na donor human milk.

Ayon sa Department of Health, mahalaga ang human milk banks sa pagbibigay ng pasteurized donor human milk sa mga sanggol na nangangailangan, lalo na sa mga premature at may sakit na bagong silang.

Binigyang-diin din ni Governor Tan ang kahalagahan ng pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan at iba pang sektor sa milk donation upang madagdagan ang makokolektang gatas ng ina at maipamahagi ito sa mga sanggol na higit na nangangailangan.

Bilang bahagi ng pagpapalawak ng serbisyo, nakapagbahagi na rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ng karagdagang refrigerators sa mga pampublikong ospital upang makatulong sa ligtas na pag-iimbak ng gatas na ibinabahagi ng mga donor na ina.

Samantala, kinilala sa seremonya ang Top 10 Human Milk Donors bilang pagkilala sa kanilang bukas-palad na kontribusyon at mahalagang papel sa pagtataguyod ng kalusugan at wastong nutrisyon ng mga sanggol.

Isinagawa rin ang opisyal na turnover ng mga kagamitang medikal para sa QPHN-QMC, kabilang ang ventilator, infant warmer at infant incubator. Ilalaan ang mga ito sa bagong Neonatal Emergency Care Unit (NECU) Area ng ospital na nakatakdang buksan upang higit na mapalakas ang pangangalaga sa mga bagong silang na nangangailangan ng agarang at specialized medical care.

Pinangunahan ang programa ng Provincial Health Office sa pamumuno ni Provincial Health Officer II Dr. Kristin Mae-Jean Villaseñor, katuwang ang pamunuan ng QPHN-QMC sa pangunguna ni Chief of Hospital Dr. Juan Eugenio Fidel Villanueva.

Dumalo rin sa okasyon sina Dr. Estrella Olonan-Jusi, President ng Human Milk Bank Association of the Philippines, at Ms. Jellie Anne Palencia, DOH CALABARZON Nutrition and Breastfeeding Program Manager.

Sa pamamagitan ng Human Milk Bank, higit na pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang suporta sa breastfeeding at milk donation, kasabay ng layuning matiyak na ang mga sanggol na nangangailangan ay magkakaroon ng access sa ligtas at sapat na nutrisyon para sa kanilang malusog na paglaki.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved