May kabuuang 1,227 Barangay Health Workers (BHWs) mula sa mga bayan sa REINA area at Polillo Group of Islands ang dumalo sa Barangay Health Workers (BHW) Convention 2026 Batch 3 na ginanap noong Oktubre 14 sa Northern Quezon Auditorium sa bayan ng Infanta.

Layunin ng pagtitipon na kilalanin ang mahalagang papel ng mga BHW sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, gayundin ang palawakin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pamamagitan ng mga libreng lektura.

Pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO) ang aktibidad na dinaluhan nina Acting Governor Third Alcala, Acting Vice Governor Doc Kim Tan, Lawrence Ryan Daug, RN, MPM, mula sa Provincial Department of Health Office, Infanta Mayor L.A. Ruanto at Real Mayor Julie Ann Macasaet, kasama ang iba pang opisyal ng mga lokal na pamahalaan.

Nagpaabot din ng mensahe ng suporta at pagkilala sa mga BHW si Senator Joseph Victor Ejercito sa pamamagitan ng isang audiovisual presentation.

Kabilang sa mga tinalakay sa convention ang Health Navigation and Referral System ng lalawigan na naglalayong mapahusay ang koordinasyon at proseso ng pagsangguni o referral ng mga pasyente, mula sa antas ng barangay hanggang sa iba pang pasilidad pangkalusugan.

Bilang pagkilala sa kanilang mahabang panahon ng paglilingkod, pinarangalan din ang anim na BHW na tumanggap ng Ruby Service Award bilang pagkilala sa kanilang 40 taon ng tapat at natatanging serbisyo sa komunidad.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Acting Governor Third Alcala ang mahalagang papel ng mga BHW bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan at pagtiyak na nakararating ang mga kinakailangang serbisyo sa mga mamamayan, lalo na sa mga komunidad na direktang kanilang pinaglilingkuran.

Tiniyak din ni Alcala na patuloy na magsisikap ang Pamahalaang Panlalawigan, katuwang ang Sangguniang Panlalawigan, upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga BHW at higit pang mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan.

Sa pamamagitan ng naturang convention, muling binigyang-pansin ang kontribusyon ng mga BHW bilang mga katuwang sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan at sa pagpapalawak ng serbisyong medikal sa bawat barangay sa lalawigan ng Quezon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved