PAGBILAO, QUEZON — Patuloy na sinusuportahan ng Therma Luzon, Inc. (TLI), isang subsidiary ng Aboitiz Power Corporation (AboitizPower), ang mga mag-aaral sa Pagbilao, Quezon Province sa pamamagitan ng kanilang High School Financial Assistance Program.

Ipinagkaloob ang educational assistance noong ika-2 ng Oktubre 2026 sa 20 mag-aaral ng Grade 11 at 12 mula sa Pagbilao Grande Island National High School (PGINHS), Silangang Malicboy National High School (SMNHS), Talipan National High School (TNHS), Pagbilao National High School (PNHS), at Quezon Science High School (QSHS).

Isa sa mga iskolar ay ang Grade 11 student na si Lenard V. Jasojaso, na nagsabing makakatulong ang assistance sa kaniyang pamilya lalo na para sa pang-araw-araw na pangangailangan sa paaralan at sa mga gastusin para sa kaniyang mga proyekto.

“Makakatulong po ito sa akin hindi lang para sa pang-araw-araw na pangangailangan, kundi pati na rin po sa mga gastusin tulad po ng mga sunod-sunod na project sa iba’t ibang asignatura,” ani Jasojaso.

Ayon naman kay TLI Assistant Vice President for Corporate Services Lou Jason Deligencia, ang programa ay sumasalamin sa adbokasiya ng kumpanya na tulungan ang mga mag-aaral na maipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa kabila ng mga hamong pinansyal.

“Isa po ang high school scholarship program bilang pasasalamat namin, at bahagi rin po ito ng responsibilidad naming makatulong na maging pantay-pantay ang access sa magandang edukasyon. Sana po ay makatulong ang programang ito upang lalo ninyong pahalagahan ang inyong pag-aaral sa high school, makatungtong sa kolehiyo, at unti-unting maiahon ang buhay ng inyong mga pamilya,” ani Deligencia.

Nagpasalamat naman si Assistant Schools Division Superintendent Dr. Aris Barrago sa TLI para sa patuloy nitong pagsuporta. Hinikayat din niya ang mga iskolar na huwag sayangin ang pagkakataong ibinigay, mag-aral nang mabuti, at gamitin ang assistance sa responsableng paraan.

Bukod sa High School Financial Assistance Program, patuloy na naghahatid ng suporta ang TLI sa mga mag-aaral pagtuntong nila sa mas mataas na antas ng edukasyon. Taon-taon, ang kanilang College Scholarship Program ay tumutulong sa 15 iskolar mula sa South Luzon State University (SLSU), na kumukuha ng mga priority programs katulad ng Accountancy, Electrical Engineering, Mechanical Engineering, Civil Engineering, at Electronics and Communications Engineering.

Sa ika-12 na taon nito, ang programa ay nagsilbing mahalagang bahagi ng CSR para sa komunidad ng Pagbilao. Kasabay nito, mayroon ding mga inisyatiba ang TLI para sa kabuhayan, kalusugan, kapaligiran, at paghahanda sa sakuna, bilang pagtugon sa pangangailangang natukoy mula sa pakikipagtulungan sa mga lokal na komunidad at mga katuwang. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved