Daan-daang magsasaka, mangingisda, at kabataan ang nagsagawa ng pagkilos sa Brgy. Mangalang Kiling, Sariaya, Quezon upang manawagan kina Pangulong Bongbong Marcos, Conrado Estrella III ng Department of Agrarian Reform (DAR), at Sariaya Mayor Marivic T. Gayeta na agarang aksyunan ang kanilang kahilingan kaugnay sa kanselasyon ng kanilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
 
Hinihiling ng mga nagprotestang magsasaka na muling buksan sa Korte Suprema ang usapin ng kanselasyon ng kanilang CLOA at ipatupad ang 2018 zoning ordinance ng bayan na anila’y magbibigay proteksyon sa kanilang lupaing sakahan at komunidad.
 
Ayon sa mga magsasaka, ilang beses nang nagsagawa ng field validation at pagpupulong ang Presidential Agrarian Reform Council (PARC) upang tukuyin ang mga legal na hakbang para maprotektahan ang kanilang karapatan sa pagkain, kabuhayan, tirahan, at kalikasan.
 
Gayunman, iginiit ng komunidad na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umanong malinaw na resolusyon sa kanilang hinaing.
 
Noong Pebrero 3, 2026, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Sariaya bilang suporta sa laban ng mga magsasaka at pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa suplay ng pagkain at pag-unlad ng lokal na ekonomiya.
Gayunpaman, ayon sa mga nagprotesta, nananatiling tahimik ang alkalde sa naturang usapin.
 
Source: Katarungan-Kilusan para sa Repormang Agraryo at Katarungan Panlipunan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved