Hinikayat ni Governor Doktora Helen Tan ang bawat Quezonian na gawing makabuluhan ang paggunita ng Semana Santa sa pamamagitan ng pagninilay, panalangin, at pagpapatibay ng pananampalataya.

Sa kanyang mensahe para sa Mahal na Araw, binigyang-diin ng punong lalawigan na ang pagdiriwang ay hindi lamang simpleng pag-alala sa mga pangyayari sa buhay ni Hesukristo kundi isang mahalagang pagkakataon upang muling pagtibayin ang ugnayan ng bawat isa sa Diyos at kapwa.

Ayon sa gobernador, nawa’y magsilbing panahon ang Semana Santa upang maramdaman ng bawat isa ang presensya at liwanag ng Diyos na gumagabay sa kanilang landas.

Dagdag pa niya, mula sa liwanag na ito ay nawa’y sumibol sa puso ng bawat mamamayan ang mas malalim na pag-ibig, pag-unawa, at malasakit para sa kapwa.

Hinimok din ng gobernador ang lahat na pagnilayan ang mga pagkakataong sila ay nagkulang, gayundin ang mga tagumpay at mga biyayang patuloy na ipinagkakaloob ng Diyos sa kanilang buhay.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nagpasalamat si Tan sa mga mamamayan at hiniling na maging maluwalhati at makabuluhan ang paggunita ng bawat isa sa Mahal na Araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved