Sama-samang nagdaos ng tradisyunal na Pabasa ng Pasyon ang mga magsasaka ngayong Semana Santa bilang bahagi ng kanilang pagninilay at pananalangin, kasabay ng panawagan para sa katarungan sa lupa at kabuhayan.

Kabilang sa mga lumahok ang mga magsasakang binawian ng kanilang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa bayan ng Sariaya, gayundin ang iba pang nangangambang mawalan ng karapatan sa lupang kanilang sinasaka. Nakibahagi rin sa gawain ang mga magniniyog na patuloy na nahaharap sa iba’t ibang suliranin sa sektor ng agrikultura.

Habang ginugunita ang hirap at sakripisyong dinaanan ni Hesukristo, sinabi ng mga magsasaka na lalo nilang pinatatatag ang kanilang paninindigan na ipagpatuloy ang makatarungang pakikibaka para sa kanilang lupa at kabuhayan.

Ayon sa kanila, patuloy na nagpapabigat sa kanilang kalagayan ang matinding pagbagsak ng presyo ng kopra, na pangunahing pinagkukunan ng kita ng maraming magniniyog sa lalawigan. Pinalalala pa ito ng epekto ng mga pandaigdigang kaganapan, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis na nagdudulot ng dagdag na gastos sa produksyon at transportasyon ng kanilang mga produkto.

Ikinababahala rin ng sektor ang planong pagsuspinde sa biofuels blend, na ayon sa kanila ay maaaring magdulot ng pangmatagalang negatibong epekto sa industriya ng niyog at sa kabuhayan ng mga magniniyog.

Sa gitna ng banal na paggunita ng Semana Santa, nananawagan ang mga magsasaka ng tunay na katarungan sa lupa, patas na presyo ng kanilang produkto, at mga patakarang susuporta sa kanilang kabuhayan.

Para sa kanila, ang pagdaraos ng Pabasa ay hindi lamang tradisyon ng pananampalataya kundi isang paalala rin ng patuloy nilang laban para sa dignidad, karapatan, at makatarungang kabuhayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved