LUCENA CITY — Nakiisa ang mga debotong Katoliko sa isang solemneng prusisyon ng Biyernes Santo bilang bahagi ng pilgrimage na inorganisa ng St. Ferdinand Cathedral sa Lucena City, bilang pagpapakita ng taimtim na pananampalataya at pagsisisi kasabay ng kasagsagan ng paggunita sa Semana Santa.
Habang ginugunita ang pagpapakasakit at kamatayan ni Hesukristo, tahimik na naglakad sa mga lansangan ang mga kalahok, tangan ang mga kandila at iba’t ibang imaheng panrelihiyon. Sa gitna ng panalangin at pagninilay, kapansin-pansin ang lalim ng debosyon ng mga mananampalatayang nakiisa sa taunang tradisyong ito.
Daan-daang deboto ang dumalo sa prusisyon, na muling nagpatunay sa mahalagang papel ng pananampalataya at relihiyosong debosyon sa buhay ng mga lokal na komunidad.