Sa panahon ngayon, nananatiling isa ang turismo sa pinakamalalaking industriyang nagbibigay ng kita at oportunidad hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo. Bukod sa ambag nito sa ekonomiya, malaki rin ang naitutulong nito sa pagpapasigla ng kultura, pangangalaga sa kapaligiran, at pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga mamamayan.

Sa Lalawigan ng Quezon, buhay na buhay ang sektor ng turismo dahil sa samu’t saring produktong panturismo na maipagmamalaki ng lalawigan. Tampok dito ang faith tourism, agri-tourism, nature-based tourism, at mga makukulay na pagdiriwang na sumasalamin sa natatanging kasaysayan, tradisyon, at pagkakakilanlan ng bawat bayan. Dahil dito, patuloy na dinarayo ang Quezon hindi lamang ng mga biyahero mula sa mga karatig-lalawigan kundi maging ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa at maging sa ibayong-dagat.

Malaki ang papel dito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Provincial Tourism Office, katuwang ang iba’t ibang tourism stakeholders gaya ng mga Local Government Units (LGUs), mga establisimyentong panturismo, at mga tourism enterprise. Sa sama-samang pagkilos ng mga ito, unti-unting mas lalo pang napagtitibay ang pangalan ng Quezon bilang isa sa mga lalawigang may makulay at maunlad na turismo.

Bilang pagkilala sa mga natatanging ambag ng mga indibidwal at institusyong nagpapasigla sa turismo ng lalawigan, itinampok ang Quezon Tourism Excellence Awards (QTEA) bilang pinakamataas na parangal sa larangan ng turismo sa Quezon. Ito ay iginagawad ng Provincial Tourism Office upang kilalanin at parangalan ang mga pangunahing indibidwal, stakeholder, at LGU na nagpakita ng kahusayan sa pagtataguyod, pagpapaunlad, at pagpreserba ng pamana at turismo ng Quezon.

Layunin ng QTEA na parangalan ang mga indibidwal, establisimyento, at negosyong nagpakita ng inobasyon, pagkamalikhain, kahusayan, propesyonalismo, at mataas na kalidad ng serbisyo na alinsunod sa pamantayan ng turismo sa Quezon. Hangad din nitong higit pang itaguyod at palaganapin ang pamana at kahusayan ng lalawigan, habang hinihikayat ang makabuluhan, malikhain, at positibong kompetisyon sa hanay ng mga tourism stakeholder para sa isang mas progresibo at napapanatiling turismo.

Nahahati ang QTEA sa limang pangunahing kategorya at dalawang special awards. Sa Institutional Category, kabilang ang mga parangal para sa Accommodation of the Year, Resort of the Year, Food Service Provider of the Year, Travel and Tour Operator of the Year, Tourism Organization of the Year, at Tourism-Oriented LGU. Sa Individual Category, kinikilala naman ang Tourism Frontliner of the Year Award, Tourism Influencer of the Year, at Most Outstanding Tourism Officer of the Year.

Mayroon ding Tourism Promotions Category para sa Best Tourism Video, Best Tourism Brochure, at Best Tourism Page. Sa Tourism Products Category, tampok ang Agri-Tourism Destination of the Year, Pilgrimage Destination of the Year, Holy Week Destination of the Year, at Best Tourism Token para sa food at non-food. Samantala, sa Events and Celebrations Category, binibigyang-pugay ang Festival of the Year, Faith-based Celebration of the Year, Culture-based Celebration of the Year, at Outstanding Arts Month Celebration.

Bukod dito, may dalawang natatanging pagkilala rin na tinatawag na Special Awards: ang Best Hosting for the Quezon Municipal Tourism Officers Quarterly Meeting 2025 at ang 2025 Holy Week Destination of the Year Award.

Sa pamamagitan ng QTEA, hindi lamang simpleng tropeo o pagkilala ang ibinibigay sa mga nagwawagi. Higit sa lahat, ito ay simbolo ng dedikasyon, malasakit, at pagmamahal sa lalawigan ng Quezon. Isa rin itong patunay na ang turismo ay hindi lamang tungkol sa pagbisita sa magagandang lugar, kundi tungkol din sa pagkilala sa kultura, kasaysayan, at pagkakaisa ng mga taong patuloy na bumubuo sa identidad ng isang lugar.

Sa patuloy na pag-angat ng turismo sa Quezon, inaasahang mas marami pang indibidwal, samahan, at pamahalaang lokal ang mahihikayat na magbigay ng pinakamahusay na serbisyo at programa para sa mga turista. Sa huli, ang Quezon Tourism Excellence Awards ay hindi lamang pagdiriwang ng tagumpay, kundi inspirasyon para sa mas makulay, mas masigla, at mas maunlad na kinabukasan ng turismo sa Lalawigan ng Quezon.

Source: Provincial Government of Quezon 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved