Nakipagpulong nitong Huwebes, Mayo 14, si Governor Doktora Helen Tan kasama si Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla kay National Dairy Authority (NDA) Administrator Atty. Marcus Antonius Andaya upang talakayin ang mga programang magpapalakas sa dairy industry sa lalawigan ng Quezon at susuporta sa nutrisyon ng mga batang Quezonian.

Sa isinagawang pagpupulong, isa sa mga pangunahing tinalakay ang planong pagtatayo ng stock farm o multiplier farm sa Calauag. Layunin ng proyekto na mapakinabangan ang mga bakanteng lupain sa lalawigan sa pamamagitan ng pagtatanim ng pagkain para sa mga alagang baka upang mapataas ang produksyon ng gatas sa Quezon.

Ayon sa mga opisyal, bahagi rin ng plano ang mas pinaigting na pagtutulungan ng mga local government unit, Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, at ng National Dairy Authority para sa pagpapatupad ng mga proyektong makatutulong sa sektor ng agrikultura at paghahayupan.

Ibinahagi rin ni NDA Administrator Andaya ang iba’t ibang programa ng ahensya na maaaring maging katuwang ng lalawigan upang higit pang mapaunlad ang dairy production at mapalawak ang kabuhayan ng mga magsasaka at livestock raisers sa Quezon.

Bilang paunang hakbang, target na maitayo pagsapit ng 2027 ang isang Feed Center sa Calauag na inaasahang makatutulong upang mapababa ang gastusin sa pakain ng mga alagang baka at mapataas ang produksyon ng gatas ng mga dairy farmer sa lalawigan.

Umaasa naman ang pamahalaang panlalawigan na sa pamamagitan ng naturang mga inisyatiba ay higit pang mapalalakas ang lokal na produksyon ng gatas habang natutugunan din ang pangangailangang nutrisyonal ng mga kabataang Quezonian.

Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved