Muling napuno ng kulay, kasiyahan, at pagdiriwang ng tradisyon at kultura ang bayan ng Lucban, Quezon sa pagdiriwang ng Pahiyas Festival 2026 noong Biyernes, Mayo 15.
Dinagsa ng libo-libong turista at deboto ang nasabing bayan upang saksihan ang makukulay na dekorasyon sa mga kabahayan na yari sa kiping, prutas, gulay, at iba pang produktong agrikultural bilang pasasalamat sa kanilang patron na si San Isidro Labrador para sa isang taong masaganang ani sa bayan.
Bukod sa pagpapakita ng tradisyon, naging pagkakataon din ang pista upang muling mapasigla ang lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng oportunidad para sa mga maliliit na negosyante, kainan, souvenir shops, at mga lokal na magsasaka na nagbenta ng kanilang mga produkto sa nasabing pagdiriwang.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Calabarzon Regional Director Marites Castro, bagamat mayroong krisis na kinakaharap ang bansa bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, nararapat pa rin aniya na ipagpatuloy ang mga ganitong klase ng tradisyon, bigyan lamang ng prayoridad ang mga aktibidad na mahalaga at sumasalamin sa kultura at kasaysayan ng isang bayan. Bukod dito, isa rin itong paraan aniya upang matulungan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) gayundin ang naturang bayan na madagdagan ang kanilang kita, mapalago ang sektor ng turismo at lokal na ekonomiya.
Matatandaan na isa ang Pahiyas Festival sa madaming pagdiriwang na nagkaroon ng pagbabago sa iskedyul dahil na rin sa kinakaharap na krisis ng bansa.
Samantala, ayon naman kay Lucban Mayor Agustin Villaverde ay patuloy ang kanilang pagbibigay tulong at suporta sa mga magsasaka sa kanilang bayan.
Taon-taon inaabangan ang makulay na pagdiriwang ng Pahiyas Festival sa bayan dahil sa taglay nitong ganda at saya kaakibat ang tradisyon at pasasalamat ng mga magsasaka sa patrong San Isidro. | via Anna Mole, Maine Odong/PIA CALABARZON
