PAGBILAO, Quezon — Inaprubahan ni Mayor Angelica “Gigi” Portes ang extension ng business permit ng Prime Water hanggang sa katapusan ng taon. Ayon umano sa Punong Bayan, wala siyang nakikitang sapat na batayan o kaukulang paglabag, o “violations,” upang hindi ito aprubahan.
Ito ang ibinahagi ni Konsehal Joseph Garcia matapos ang kanyang pakikipag-usap sa Punong Bayan kaugnay ng operasyon ng naturang water concessionaire sa bayan ng Pagbilao.
Sa ika-48 regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao, naging taliwas naman dito ang pahayag ni Councilor Ariel Martinez, na iginiit ang pangangailangang malinaw na matukoy at maidokumento ang mga lugar na apektado upang mapatunayan ang umano’y mga paglabag ng Prime Water.
Ayon kay Martinez, walong taon na mula nang magsimula ang operasyon ng Prime Water sa Pagbilao, subalit nananatili pa rin ang problema sa suplay ng tubig sa ilang komunidad. Kabilang sa mga binanggit na apektadong lugar ang Sitio Tabangay, Benco sa kalakhan ng Mapagong area, Golden Meadows, Oasis, at bahagi ng Barangay Ikirin, Sitio Highway, kalakhan ng Palasabagon area, Margarita Subdivision, Alvarez Subdivision–Barangay Del Carmen, Barangay Mayhay, Tambak, at iba pang bahagi ng bayan.
Dagdag pa ni Martinez, may mga pagkakataong sila mismo umano ang tumutulong mula sa sariling bulsa upang makapagpaabot ng suplay ng tubig sa mga apektadong residente. Sa kabila nito, patuloy pa rin umanong nagbabayad ang ilang mamamayan ng buwanang minimum charge kahit wala o halos walang natatanggap na serbisyo ng tubig mula sa Prime Water.
Sinang-ayunan naman ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao na may mga residente at dokumentong maaaring magsilbing batayan sa pagtalakay sa mga reklamo laban sa Prime Water.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Vice Mayor Walter Dapla ang pagkakaroon ng malinaw na update at mas maayos na dokumentasyon upang matiyak na ang mga reklamo, ebidensya, at kaukulang aksyon ay pormal na maitatala at magagamit na batayan sa mga susunod na hakbang ng lokal na pamahalaan.
Patuloy ang Sangguniang Bayan ng Pagbilao sa paghingi ng paglilinaw at aksyon mula sa mga kinauukulang tanggapan hinggil sa isyu ng serbisyo at krisis sa suplay ng tubig sa bayan.
Source: 12th Council Sangguniang Bayan of Pagbilao CY 2025–2028
