Personal na bumisita sa tanggapan ni Mayor Kuya Mark Alcala ang mga kinatawan ng Lucena United Doctors Hospital and Medical Center (LUDHMC) kahapon, April 6, bilang bahagi ng kanilang courtesy visit sa lokal na pamahalaan.
Pinangunahan ang delegasyon nina Dr. Gerardo Salazar, Quality Chief Officer; Dr. Vivian Dedace, Chief Nursing Officer; at Hazel Vidal, Marketing Officer ng ospital.
Sa naturang pagbisita, ibinahagi ng LUDHMC sa alkalde ang plano nilang pagtatayo ng kauna-unahang Cancer and Radiotherapy Center sa lalawigan ng Quezon. Layunin ng proyekto na mapalapit at mapadali ang access ng mga pasyenteng may kanser sa mga kinakailangang serbisyong medikal sa loob mismo ng probinsya.
Bahagi rin ng kanilang pagbisita ang pag-iimbita kay Mayor Alcala sa gaganaping Groundbreaking Ceremony ng nasabing pasilidad sa darating na April 30.
Sa pagtatapos ng courtesy visit, agad namang ipinaabot ng Punong Lungsod ang kanyang pagbati at suporta sa bagong medical facility, na inaasahang makatutulong nang malaki sa mga cancer patients sa Lucena City at sa buong lalawigan ng Quezon.
Source: PIO Lucena