Tiniyak ng Lokal na Pamahalaan ng Tagkawayan ang patuloy nitong pakikiisa sa pagtugon sa mga hinaing ng mga residente kaugnay ng serbisyo ng tubig sa bayan, ayon sa opisyal na pahayag na inilabas nitong Abril 21, 2026.
Sa pahayag ng Office of the Information Officer, kinilala ng pamahalaang bayan ang kahalagahan ng maayos at sapat na suplay ng tubig bilang isa sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
Ipinaalala rin ng LGU na ang Water District ay isang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) na may hiwalay at independiyenteng pamamahala, at hindi direktang saklaw ng kontrol at superbisyon ng lokal na pamahalaan.
Gayunman, bilang suporta sa pagpapabuti ng serbisyo, sinabi ng LGU na naglaan ito ng pondo para sa ilang proyektong ipinatutupad ng Tagkawayan Water District (TWD).
Kabilang sa mga pondong inilaan ang ₱3,241,153.13 para sa improvement of Pinagpala Pumping Station sa Barangay Bamban noong 2023, at ₱3,314,428.63 para sa rehabilitation of Bamban Pumping Station noong 2024.
Bukod dito, ngayong 2026 ay naglaan pa ang lokal na pamahalaan ng mahigit ₱3 milyon para sa pipeline construction sa Barangay Colong-Colong at sa Aliji Transmission Line.
Ayon sa LGU, ang nasabing hakbang ay patunay ng kanilang pagkilala sa kahalagahan ng maayos na suplay ng tubig, dahil lahat ng mamamayan ay apektado ng anumang problema sa serbisyong ito.
Binigyang-diin din ng pamahalaang bayan ang kahalagahan ng koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga ahensyang may mandato sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo para sa kapakanan ng publiko.
Photos courtesy of the Tagkawayan Public Information Office
